PAGADIAN CITY – Nabuhayan ng pag-asa ang mga barangay worker partikular ang mga barangay tanod sa Pagadian City nang bumisita si Ben BITAG Tulfo sa probinsya.
Hinaing ng mga barangay worker, matagal na silang nagta-trabaho sa lokal na pamahalaan. Subalit, ang malungkot na katotohanan, volunteer worker ang kategorya nila at tumatanggap lang ng honorarium kada buwan.
“Kung sakaling makarating po kayo sa Senado Sir Ben BITAG, sana matulungan nyo po kami na maging standardize ang salary namin, hindi na siya sa honorary basis. Sana po salary grade mula sa national government,” maluha-luhang paglalahad ng isang barangay tanod.
“Sir BITAG, kami po ay walang mga benepisyo. Kung kami po ay nagkakasakit o namatayan, kung kani-kanino po kami lumalapit para makahingi ng tulong,” kwento ng isa pang matandang tanod ng barangay.
Sa kasalukuyan, tatlong libong piso (P3,000) lang ang tinatanggap na horarium ng mga tanod ng barangay. Wala silang mga benepisyo tulad ng SSS, Philhealth at PAG-IBIG.
“Adto sila kay Mayor, adto sila kay Congressman, dili pa man kuntento kay wa man benepisyo, wa may benepisyo, gamay pa ang sweldo, pag may problema, adto adto lang sila, tuyok tuyok na lang sila, kaluoy man,” paliwanag pa ng batikang investigative journalist.
(Pumunta sila kay mayor, pumunta sila kay congressman, hindi pa rin kuntento kasi wala namang benepisyo, maliit pa ang sweldo, pag may problema, pupunta-punta lang sila, paikot-ikot na lang, kawawa naman).
“Ang gusto ko, matulungan ang mga barangay worker, health workers at barangay tanod na maliit lang ang honorarium. Dapat maging standardize na ang kanilang sahod. Kung kulang ang Internal Revenue Allotment (IRA) sa lugar nila para sa sweldo nila, ang national government ang tutulong, at ito ay dapat standardized. Ipaglalaban ko yan,” dagdag pa nito.
Binisita ni Ben BITAG Tulfo ang Pagadian City matapos siyang imbitahan ng Lokal na Pamahalaan bilang panauhing pandangal sa kanilang Anti-Drug Prevention Week sa lalawigan.