LUMALABAS talaga ang pagka-malikhain ng mga kongresista natin. Dahil nagkaroon ng gusot sa mga flood control ghost projects – eto, may pilit na namang inilulusot.
Nadiskubre ang pagsisingit ng kongreso ng P80 billion unprogrammed funds sa 2026 National Expenditure Program (NEP). Sabi ng Senado, kapag sinuyod pa nilang maigi ang proposed budget at baka umabot pa raw ito P250 billion – holy cow!
Pero, binuking at sinopla agad ni Senate President Tito Sotto ang natuklasan nilang ito. Gustong idikdik ni SP Sotto sa kukote ng mga nasa kongreso na hindi hahayaan ng Senado na makalusot ang masamang balak na ito sa NEP.
Agree ako diyan, SP Sotto. Tigilan at ipagbawal na kasi ang pagsisingit o pagi-insert ng kung anu-ano sa ating national budget.
Pambihira naman! Para bang gustong lalong ilubog ang Pilipinas sa utang – maawa naman na kayo sa mga kababayan niyo. Umayos nga kayo diyan sa kongreso.
Can you imagine, halos lahat nalang ng ginagastos natin sa bansa ay mula sa utang. Nakakahiya, hindi na tayo nakabangon.
Kaya ang taumbayan, galit na galit na. Nakatingin at nakabantay palagi sa mga ganitong issue. Mas interesado ngayon ang publiko kung sino ang mapaparusahan, kung sino ang masisintensyahan at mabubulok sa kulungan.
Matagal ko nang sinasabi ito – dapat isabatas na ang pagbabawal sa insertion, unprogrammed funds at discretionary funds. ‘Wag na tayong maglokohan, ito din ‘yung dating pork barrel ng mga politiko na pinalitan lang ang pangalan.
Anuman ang naging evolution ng katawagan sa pondong ito, iisa lang ang modus operandi — humanap at kumuha ng pondo ng taumbayan para sa pansariling kapritso at kapakanan.
Kung talagang tatanggalan ng pondo ang bawat mambabatas, panigurado mababawasan ang mga “tongresman” at mga “congressman wanna be” sa susunod na election.
Kasi mawawala na ang sideline, hindi na sila makakakupit, mahihirapan na sila magbulsa este maiiwasan na ang kurakot na nagdudulot ng korupsyon sa bansa.
Nakakalimot na yata ang ibang congressman sa kung ano kanilang trabaho. Hindi kasama sa responsibilidad nila ang magpamigay ng AICS, TUPAD at MAIP. Ang siste, isinisingit pa nila bilang unprogrammed funds dahil may motibo.
Nakalimot na yata sila na wala sa trabaho ito ng lehislatura o ng mga mambabatas. Inaagaw pati trabaho ng ehekutibo eh gusto lang naman magpaepal at pagpabida ng mga kolokoy na ‘to.
Yung mga ibang mababait at wais na kongresman, ayos kayo diyan. Nakabantay ang taumbayan sa inyo. Ngayong nagkabukingan na, wala ng palulusutin sa mga kalokohan niyo. Balik kay SP Sotto. Good job, SP! ‘Yan ang gusto ng mga tao, yung may kakampi sila.