Sen. Robinhood Padilla, Kilos Pronto! 

(Pampanga Aeta napabayaan mo!)

HINDI nga ba nakikita at naririnig ng mga nasa itaas ang mga taong nasa ibaba? 

Ito ang tanong na madalas na natatanggap ng BITAG mula sa mga pobreng lumalapit sa aking tanggapan. 

Gaya na lamang ng mga Aeta na mula sa Mabalacat, Pampanga, tila nawawalan na raw sila ng karapatan sa sariling lupa na kung tawagin ay Ancestral Domain. Kumakain ako sa isang restaurant sa Clark nang lapitan nila ako at binulungan. 

Nagtataka sila kung bakit halos sakupin na raw ang kanilang lugar ng mga korean investor. Labas-masok daw ang mga ito sa kanilang mga lupain.

Sumbong nila, kahit na pigilan daw nila ito ay wala silang magawa — pinipilit, ginigipit at pine-pwersa pa umano silang umalis sa kanilang lugar. 

Ang masaklap pa rito, ang kanila mismong Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR), tila nakiki-kasapakat sa mga Koreanong ito. 

Ang kita naman daw na bahagi sa renta ng kanilang mga lupa, hindi rin naibibigay sa kanilang komunidad ng mga Aeta.  Ang lagay, nawalan na ng lupa at tirahan, wala pang pumapasok na pinansiyal na para sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. 

Taong 2022 na raw nailapit ang problemang ito sa Senate Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs na pinamumunuan ni Sen. Robinhood Padilla. Tulad ng inaasahan, magpa sa hanggang ngayon – NGANGA!

Sen. Robin, tatlong taon na ang nakalipas at halos mapudpod na raw ang gulong ng sasakyan ng mga Aeta sa pabalik-balik sa opisina mo pero wala pa ring resulta ang problemang ito. 

Ang pakiramdam tuloy ng mga katutubo nating Aeta, wala na silang kakampi at unti-unti nang nawawalan ng karapatan sa lupaing para naman talaga sa kanila. 

Sen. Robin, this is for you. Para ‘to dyan sa opisina mo…. Kilos-kilos, galaw-galaw kayo diyan! Matagal na kayong kinakalampag ng mga Aeta sa Central Luzon sa hinaing na ito. ‘Wag mo namang ipangalandakang binabalewala o dinededma niyo ang mga Indigenous People (IP) na sakop ng komite mo.  

Hindi pa tayo tapos. Pangatlong linggo nang kumokontak ang BITAG sa tanggapan mo para sa schedule ng hinihingi naming interview kaharap ang mga nagrereklamo. 

Pangatlong linggo na, busy ka pa din Senator? Ano ba mga pinagkakaabalahan mo diyan sa Senado maliban sa magsuklay ng bigote mo? Mag-iintay ako ng sagot.