PAGBAWAS sa mga perang papel, epektibo at episyenteng solusyon nga ba?
Sa maugong na isyu ng maanomalyang flood control project, kabi-kabilaan ang mga suhestiyon at opinyon ng mga mambabatas. Sa sobrang dami, marami na rin ang nalilito at naguguluhan.
Gaya ni dating Department of Finance (DOF) Sec. Cesar Purisima, nagbigay ng suhestiyon na tatanggalin na ang P1,000 at P500 na perang papel — ang ititirang pinakamalaking perang papel daw ay P200 na lang.
Sa paraan na ito, posibleng maiwasan at mapigilan daw ang korupsyon sa bansa. Mahihirapan daw ang mga kurakot na mangurakot.
Ito ay makaraang isiwalat ni Engr. Brice Hernandez ang male-maletang bilyones na kickback diumano ng mga kongresista at senador. Tumpok-tumpok na P1,000 bill ang pinamigay sa kanilang mga patron.
Ang lagay, pera ang dapat mag-adjust para sa solusyon ng korupsyon?
Medyo nakakataas ng kilay, pero siguro yung iba ay sasang-ayon at matutuwa rito. Lalo na kung ang halagang isang libo ay limang piraso ng P200 — marami tignan, bulto sa bulsa at pitaka. Pero, solusyon ba talaga ‘to?
Maraming pera ang masasayang sa demonetisasyong ito. Kinakailangan pang gumawa at mag-produce muli ng panibagong mga perang papel. Gagastos pa — marami pa ngang hindi naibabalik sa kaban ng bayan tapos gastos na naman?
Siguro nga, mahihirapan na ang mga kurakot na maglabas at mag-deposit ng pera sa bangko dahil mas marami na at kinakailangan na nila ng malaking kaha-de-yero o kaya ay 6-wheeler truck para makapagtago ng bilyones.
Pero pag-isipan muna ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), may mas maganda pang solusyon diyan.
Sistema ang ayusin. An effective system makes people and the management efficient. Nakikita ang repleksyon ng epektibong sistema sa mga tao sa administrasyon. Ayusin dapat ang sistema!
Think of it, BSP.