NAKIKINIG AT NAGSUSURI: KAHIT SAAN, LAYUNIN ANG PUHUNAN!

December 12, 2024 – Sa pagpapatuloy ng Christmas Reach Out ng NGO-IpaBitagMo Inc., personal na nakibahagi at bumisita si Ben BITAG Tulfo sa Capas, Tarlac upang maghandog ng regalong bigas para sa halos 1,000 na mga katutubong Aeta.

Ang komunidad ng mga Aeta sa Capas, Tarlac ay nakilala ng BITAG nang lumapit ang ama ng isang Aetang CAFGU o reserved army na napaslang sa pananakit ng isang army major.

Sa tulong ng Philippine Air Force sa CERAB Airbase, sa pangunguna ni Deputy Group Commander Lt. Col. Alexander Ilagan ay naasistehan ang NGO-IpaBitagMo Inc. at BITAG na maabot ang lokasyon ng mga katutubong Aeta.

Dito, nagkaroon ng pagkakataong makapagdiskusyon si Ben BITAG at Lt.Col Ilagan sa problemang tila binabalewala ng LGU ng Capas, Tarlac at National Commission on Indigenous Peoples o NCIP.

Mahigit isang dekada na umanong idinadaing ng Philippine Air Force ang mga informal settlers na naninirahan sa loob ng CERAB Airbase. Maging ang dumadaming populasyon at lumalaking komunidad ng mga IPs sa loob ng danger zone ng kampo.

Ang mga informal settlers ay nagsulputan ng parang mga kabute dahil sa pabor ng LGU. Ang problema, hindi sila mga IPs o mga katutubo.

Samantala,  ang dumadaming mga katutubo na nasa danger zone, nagiging pahirap sa mga militar lalo na tuwing may balikatan exercises sa buong kampo. Ayon kay Lt. Col. Ilagan, hindi naiiwasan na magkaroon ng “collateral damage” sa tuwing sila’y may pagsasanay.

Nakita mismo ni Ben BITAG ang mga bahay ng ‘informal settlers’ na tanaw sa paligid ng Airbase. Sementado at may mga nakatayo ring negosyo. Bukod dito, may mga tanim na rin at mga alagang hayop.

Ang mga informal settlers o kung tawagin sa kampo ay mga “unat”, sila ang haciendero sa lugar at ang mga katutubo na kung tawagin nila’y “kulot” ang nagsisilbing mga trabahador.

Sa mga ganitong kaso maaaring manghimasok ang BITAG lalo na’t inilapit ng mga apektadong partido. Para kay Ben BITAG, dapat maimbestigahan kung bakit matagal nang nagbibingi-bingihan ang LGU, NCIP at maging and Department of National Defense sa problemang ito sa loob ng CERAB Airbase.

Pati na rin ang Committee on Cultural Community and Muslim Affairs na pinangungunahan ni Sen. Robinhood Padilla, kailangang kumilos na at alamin ang tunay na problema ng mga katutubo. 

Ikinakasa na ni Ben BITAG at ng BITAG Investigative Team ang grupong magi-imbestiga at hakbang na mga gagawin para sa kasong ito. Abangan!