PAGADIAN CITY — Tahasang ipinahayag ni Ben BITAG Tulfo na biktima siya ng fake news ng ilan sa mga vlogger.
Sa isang press conference, walang pakundangan na sinabi ng senatorial candidate na “malicious editing” at “malicious messaging” ang paggamit ng kaniyang copyrighted and exclusive video materials for TV and his digital platforms.
Binigyang-babala ni Ben BITAG Tulfo ang mga nagpapakalat ng fake news laban sa kaniya at sini-share ng ilang mga vlogger.
Ayon kay Ben BITAG Tulfo, ang pinanggalingan ng kanilang fake news, na kung saan china-chop’ at in-edit para baguhin ang mensahe ay ang kaniyang podcast na ginawa niya nung Pebrero 2024. Nasa podcast library ito ng BITAG Multimedia Network (BMN).
Base sa mga digital reels na kumakalat ngayon, nilalait umano ng senatorial candidate ang mga nagsusulong na paghiwalayin ang Mindanao, sa Visayas at Luzon.
Nung ginawa ni Ben BITAG Tulfo ang kaniyang podcast, kasagsagan ito noon ng People’s Initiative (PI) at Independent Mindanao. Nagbabangayan noon ang nagbabanggang grupo, ang nagsusulong ng PI. Sagot naman ng kabilang panig, gawing independente na ang Mindanao.
Binigyang-diin ni Ben BITAG Tulfo na ang origin ng mga Tulfo sa mother side ay Mindanao. Ayon sa kaniya, anim na magkakapatid na Tulfo, ipinanganak sa Mindanao.
“Kasalukuyan, ang mga kaanak namin, residente ng Manay, Davao Oriental. Ang dalawang kapatid ko ay residente ng Davao since 1970s,” paliwanag nito.
Dagdag pa nito, magkaiba ang tungkulin at pananagutan ng mga nasa Fourth estate sa Fifth estate. Ang Fourth estate o ang TV, print at radio — may mga lisensya at prangkisa na gumawa at magpalabas ng balita.
Ayon kay Ben BITAG Tulfo, ang Fourth estate ay may layers of accountability. Ginagabayan sila ng kanilang mga legal department at legal consultant.
“There must be a demarcation line between the Fourth estate and the Fifth estate. Ang fourth estate ay may prangkisa, may pananagutan sa bansa. Mayroon silang ethics na sinusunod. They have the laws and canons of journalism,” ayon sa batikang mamamahayag.
Nilinaw naman ni Ben BITAG Tulfo, nirerespeto niya ang mga professional vlogger mula sa iba’t ibang larangan tulad ng mga abogado, doctor, engineer, chef at responsible parenting na mga magulang mismo.
“Maraming magagaling sa Fifth estate, iba iba ang propesyon. Ang problema, yung ibang mga vlogger at content creator, mga opinion vlogger. Very conducive sila magpakalat ng fake news dahil wala silang pananagutan. Ginagamit nila ang absolute freedom of expression bordering to fake news and malicious content,” dagdag pa ng tumatakbong senador.
Patuloy naman ang panawagan ni Ben BITAG Tulfo sa mga kapatid nya sa industriya laban sa mga fake news.