GUIGINTO, BULACAN — Mga totoong tao, totoong pangyayari, totoong hamon sa buhay ang narinig ni Ben BITAG Tulfo mula sa mga residente ng Guiginto, Bulacan sa kanyang pagbisita sa lalawigan ngayong araw, Pebrero, 21.
Sa kaniyang pagbisita, binigyang-diin ni Ben BITAG ang welfare check para sa mga senior citizen.
“Malungkot ang buhay ng senior citizen kasi hinahanap mo ang atensyon ng mga anak mo sa paligid mo. Gusto kong pag-aralan ng husto ang kalagayan ng mga senior citizen — yung mga bagay na kung minsan nakakalimutan nilang uminom gamot. Ang tawag dyan sa Amerika, welfare check,” saad ni BITAG.
Paliwanag ng Senatorial aspirant, hindi dapat pinababayaan ang mga matatanda dahil wala ang mga susunod na henerasyon kung wala sila.
“Sisiguruhin natin na mayroong nangungumusta at nangangalaga sa mga senior citizen. Kailangan mayroong nagpapaalala sa kanila kung nakainom na ba sila ng gamot o nakakain na sila. Ito yung totoong kondisyon ng mga senior citizens natin na laging naiiwan sa bahay,” dagdag pa nito.
Samantala, kinumusta rin ni Ben BITAG Tulfo ang kalagayan ng mga solo parent sa lalawigan, partikular na ang mga may anak na may special needs.
Ayon sa beteranong mamamahayag, sisilipin niya kung papaano mapapaigting at mapapabilis ang kasalukuyang proseso sa pagbibigay-tulong sa mga solo parent with kids with special needs.