HANDA na ba tayo sa the Big One? Handa na ba ang Pilipinas?
Sa mga sunod-sunod na sakuna sa bansa — bagyo, lindol at sunog, kapag sumabay ang kaguluhan sa West Philippine Sea o South China Sea, naloko na.
Hindi na talaga kakayanin ng Department of National Defense (DND) na mag-isang harapin ang sabay-sabay na sitwasyong nabanggit sa taas. Baka mangamote ang ahensiya at lalong magkanda-leche leche ang bansa.
Matagal ko na ‘tong sinasabi. Isa nga ito sa mga legislative agenda na ikinasa ng aming grupo pero hindi ako pinalusot (na kahit nakalusot naman) ni George. Gawin na kasi ang Department of Disaster and Emergency (DDE).
Katulad ng mga nangyayaring sakuna ngayon, mas kinakailangan ang DDE para sa mas agarang pag-evacuate o pag-responde, pagsasagawa ng relief operation at pagkatapos ay ang pagkakaroon ng rehabilitasyon para sa mga nasalanta.
Noon pa sana ito naipatupad, kung hindi lang pinigilan ng mga nagtitipid na senador na sina Sen. Imee Marcos at Sen. Franklin Drilon ang panukala. Kesyo redundant at dagdag gastos lang daw ito.
What?! Say it again? Pero kung bulsahin este paglaruan ng mga politiko ang kaban ng bayan ganon-ganon na lang? Sa budget insertions pa lang ng mga congressman at senador, bilyon-bilyong piso na!
Hindi redundant kapag buhay ang pinag-uusapan. Life is short, life is fragile and life is unpredictable. Mas mabuting handa tayo sa lahat ng bagay lalo sa mga natural disaster na tumatama ngayon sa ating bansa.
Pati mga taong nasa ilalim ng mga departamentong ito ay dapat na bigyan ng sapat at nararapat na benepisyo — mga rescuers, barangay officials lalo na ang mga Barangay Tanod.
Baka hindi alam ng mga politikong nakaupo — mga barangay tanod ang frontliner kapag may bagyo at baha, kapag may lindol at sakuna. Pero bakit volunteer pa rin ang turing sa kanila? Hindi ba maituturing itong exploitation?
Dapat na itaas at gawing regular ang kanilang mga sahod — ipantay sa sahod ng mga empleyado sa gobyerno. Fair is fair. Wala dapat maiiwan, ibigay kung ano ang nararapat na benepisyo na naaayon sa kanilang serbisyo.
Mas matindi ang puhunan ng mga volunteer na ito, itong mga barangay tanod na ito. Buhay — sariling buhay ang puhunan. Ingatan natin sila at alagaan, ‘wag natin silang pagdamutan.