BITAG, AKSYON SA REKLAMO PATUNGONG LEHISLATIBO

MANDALUYONG CITY — Opisyal na nagtipon ang BITAG, IpaBITAGmo Inc. (IBMO-NGO), Pag-IBIG Fund Executives, at si Quezon City 5th District Representative Marivic Co-Pilar sa tanggapan ng ahensiya sa Mandaluyong. Ang pagtitipon ay isinagawa upang pag-usapan ang mga solusyunan sa patong-patong na daing ng mga miyembro  na may kinalaman. sa Pag-IBIG housing noong Huwebes, Hulyo 2.

Pinag-usapan sa pagpupulong ang iba’t-ibang hinaing ng mga miyembronb bumibili ng bahay sa pamamagitan ng Pag-IBIG Housing Loan. Ilan dito ay ang ‘illegal occupants‘ o ‘informal settlers’, sira-sirang kondisyon ng bahay, at naiwang utang sa iba’t ibang utility companies sa mga acquired assets na nabili sa public auction. 

Napag-alaman ng BITAG na may nakahandang solusyon ang Pag-IBIG sa pagresolba ng mga naturang problema. Ito ay ang mga sumusunod:

  1. Paghihikayat sa mga potensyal na mamimili na bisitahin at silipin muna ang lokasyon at aktuwal na bahay bago magsimula ng bayad;
  2. Pagbibigay ng legal assistance oras na humantong sa legal na pagu-usap ang pagpapa-alis sa mga illegal occupants;
  3. Paghinto sa pagbabayad, pag-refund ng mga naunang ibinayad o pagpapalit ng unit kung may problema sa naunang nabiling unit. 

Samantala, isinusulong ng ipaBITAGmo Inc- NGO ang pagkakaroon ng spesipikong batas upang maiwasan na ang mga problemang ito sa anumang programang pabahay ng gobyerno. 

Sa pangunguna ni Congresswoman Marivic Co-Pilar, Chairman ng House Committee on Housing, isang panukalang batas ang sisimulan sa kongreso na naglalayong mapabilis ang pagresolba ng problema sa pamamagitan ng pagbuo ng kahiwalay o special court kung saan maaaring magsumite ng agarang kahilingan sa warrant of eviction. 

Sa ilalim ng kasalukuyang Batas Republika Bilang 7279, Seksyon 28, nararapat na dumaan sa tamang proseso ang summary eviction o ang mabilisang proseso ng pagpapaalis sa pamamagitan ng pagbibigay muna ng abiso sa mga ilegal na naninirahan ng hindi bababa sa 30 araw bago paalisin, at pagkatapos ay sasailalim sa konsultasyon kasama ang mga apektadong pamilya hinggil sa relokasyon. 

Pero kung hindi masusunod ang mga kondisyon para sa summary eviction, kinakailangang magsumite ng lokal na gobyerno ng kaso sa korte at dumaan sa mas mahaba at mas magastos na paraan.

Ang nasabing panukalang batas ay ipapasa ni Cong. Co-Pilar sa House of Representatives bago dumaan sa mga deliberasyon sa Senado. 

Higit sa pag-aksyon sa mga reklamo ang layunin ng Bitag, bagkus ay maging daan upang maiparating sa mga kinauukulan ang mga hinaing at hinagpis ng mga Pilipino at mabigyan ng tyansa ang lahat sa karapatang manirahan sa isang maayos na tirahan, anuman ang kanilang estado sa buhay.