DISTRICT 6, QUEZON CITY — Mariing pinanawagan ni senatorial aspirant Ben BITAG Tulfo sa pamahalaan, na kung mayroon man dapat nilang iprayoridad, ito ay ang mga manggagawa sa gobyerno.
Sinabi ito ni Ben BITAG sa kaniyang pagbisita sa Distrito sais (6) ng Quezon City, kaharap ang mga barangay worker sa lungsod.
“Ako naniniwala, charity begins at home. Yung mga nagseserbisyo, unahin muna ng gobyerno,” pahayag ng batikang mamamahayag.
Sa kasalukuyan, walang standardized salary o sweldo ang mga barangay worker at wala ring mga benepisyo tulad ng GSIS, Philhealth at PAG-IBIG.
“Sir BTAG, sana pag naupo na po kayo sa Senado, maisulong po ninyo ang batas para sa kapakanan naming mga nasa barangay. Sa ngayon po kasi, allowance lang po ang tinatanggap namin. Kapag may nagkasakit sa pamilya namin o namatayan po kami, kung kani-kanino po kaming pulitiko at departamento ng pamahalaan lumalapit,” apela ng isang barangay tanod.
Mga barangay tanod at health workers ang karamihan sa mga dumalo sa Reaching Out, Listening and Interacting Tour ni Ben BITAG Tulfo.
“Kaya nga andito ako ngayon, inaabot ko ang kamay ko sa inyo para malaman ang mga hamon ninyo. Marami nang mga batas na mahihina na kailangang balangkasin at repasuhin. Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para makatulong,” pagtatapos ng independent senator aspirant