MATAPOS ang ilang linggong katahimikan ng senado sa imbestigasyon patungkol sa maanomalyang ghost flood control projects — sa wakas, may nag-ingay na.
Sa pagbabalik naman ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Panfilo Lacson, nagbigay muli ng testimonya si dating DPWH Usec. Roberto Bernardo. Isa-isa niyang pinangalanan ang kaniyang mga nakatransaksiyon na sangkot sa isyu ng pangungulimbat.
Binanggit niya ang pangalan nina DepEd Undersecretary. Trygve Olaivar at Presidential Legislative Liaison Office Chief Adrian Bersamin na sinasabing kasapakat sa pagkaladkad ng pangalan ni Pangulong Bongbong Marcos sa P100-B insertion.
Kasabay ng pagkanta ni Usec. Bernardo, nagpasabog na rin ng impormasyon si dating Congressman Zaldy Co sa kanyang Facebook page. Mala ’series’ ang atake — may part 1, 2 at 3 pa. May fast cuts at photo insertions pa, pinaghandaan talaga.
Idinawit naman ni Zaldy Co sina Ex-Executive Secretary Lucas Bersamin at DBM Secretary Amenah Pangandaman na siyang ulo ng P100-B insertion sa tanggapan ni PBBM.
Eto na, larong turu-turuan na. Laglagan na!
Pero teka, sa paglilinaw ni Sen. Lacson, totoo ang P100-B insertion sa bicameral pero hindi daw totoo ang P25-B o 25% na kickback ng Pangulo.
Lumalabas, parang walang alam ang Pangulo sa kalokohang pinagagawa ng mga tao niya sa palasyo. Tila nagkutsabahan ang pinangalanang gabineteng sangkot. Trinaydor o iniputan sa bumbunan ang pangulo?
Ngayon, isa-isa ng lumalabas ang mga dumi at putik ng korupsyon sa bansa. Ang mga traydor, taksil at ahas, nalalantad na.
Kung hindi pa nagsimulang kumanta si Usec. Bernardo at Zaldy Co – hindi pa lulutang ‘tong mga traydor, taksil at ahas.
Siguro sa hiya at takot (kung meron man), mga nagsipag-pasa na raw ng ‘courtesy resignation’ ang mga ito ayon sa palasyo. Aba, dapat termination na agad, hindi na resignation.
Isa pa — bakit si Atty. Claire Castro na spokesperson ng palasyo ang nagpapaliwanag sa media. Nasa’n ba ‘tong mga putok sa buho na ‘to, bakit biglang nanahimik kayo?
Speak up! Defend your precious name! Kawawa naman yung susunod na henerasyon na gagamit ng pangalan niyo. Kahiya-hiya.