MAY kumakalampag ba diyan sa komite niyo sa Senate Cultural Communities and Muslim Affairs na pinamumunuan ni Sen. Robinhood Padilla?
Mas inuna pang atupagin ng komite niyo ang eligibility ng mga katutubo sa Civil Service Commission. Pero yung inilapit ng mga katutubong Aeta sa Norte noong 2022 pa na problema nila sa kanilang Ancestral Domain at porsiyento sa kita – wa ka pa rin say?
Samakatuwid, wala pang aksiyon. Para bagang hindi nakikita o naririnig ang mga katutubong lumapit sa inyong tanggapan – hindi naman kayo siguro mga sangkaterbang bulag, pipi, bingi o tanga diyan sa tanggapan niyo?
Sen. Robin, Indigenous Peoples (IPs) Month ngayon — pakitang gilas ka naman. Bumaba ka, makihalubilo ka sa mga katutubo natin para maramdaman, makita at marinig mo sila. Para malaman mo ang tunay na pangangailangan at problema nila sa baba.
Hindi ‘yung kung anu-anong naiisip mong ipanukala na hindi naman prayoridad ng mga indigenous people o mga katutubo natin.
Ang tanong, hanggang kailan ba kami maghihintay sa BITAG at ang mga katutubong Aeta, Sen. Rrrrrrrrobin Padilla?
Senate President Tito Sotto, paki kalabit mo nga si Sen. Rrrrrrobin — baka humimbing na ang tulog. Baka nakalimutan na ang trabaho niya, o baka hindi na niya kaya ang komiteng hawak niya.
Ipasa nalang niya sa iba!
****
ISANG Aeta na miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) ang napatay sa bugbog ng isang Army Major sa Tarlac. Napagbintangan lang na nambato ng kanyang ranch/farm — pinagtatadyakan na ang pobreng Aeta hanggang sa bawian ito ng buhay.
Inilapit na ‘to sa National Commission on Indigenous People (NCIP) Region 3 pati na ang reklamo ng mga Pampanga Aeta. Agad itong nakipagtulungan sa BITAG at inasistehan ang pamilya ng biktima.
Dinala din namin ang kaso sa NCIP Central Office, pero kataka-taka ang kanilang pagiging mailap. Isang abogado ang pinaharap sa Executive Director ng ipaBITAGmo-NGO at Tatay ng biktima. Sa Region 3 na lang daw makipag-usap dahil hindi nila “jurisdiction” ang kaso.
Anak ng baka naman, NCIP! Ganyan ba kayo makipag-usap sa mga katutubong lumalapit sa inyo para humingi ng tulong? Paano na lang kung walang kasama ang pamilya ng biktima pagpunta ng tanggapan niyo – paano niyo itatrato? Babantayan namin kayo, NCIP! Kung tutulog-tulog sa pansitan ang komiteng dapat kumakalampag sa inyo — pag-uuntug-untugin namin kayo sa BITAG para magising kayo’t asikasuhin ang mga katutubong lumalapit sa inyo.