Legally Correct but Ethically and Morally Wrong

NAKAKAIRITA na ang inaasal ng mag-asawang contractor na Discaya. Mga feeling entitled, demanding at ang daming kondisyones na gusto bago umamin ng kasalanan o mangumpisal.

Hoy, hindi na kayo nakakatuwa, nakakabuwisit na ang inyong mga inaasal sa harap ng mga mambabatas at publiko.

Ang siste, lumalakas ang loob at lumalaki ang ulo ng mag-asawang ‘to dahil sa pinagduduldulan ni Sen. Rodante Marcoleta na ‘restitution.’ ‘Yung pagsasauli ng perang nakulimbat mula sa kaban ng bayan ay hindi dapat ginagawang requirement para maging state witness ang dalawa.

“Restitution comes after the court” ika ni Marcoleta. ‘Yung mga nakulimbat na pera, saka na ibalik ‘pag may hatol na ang korte. Siguro nga sa usaping legal, tama siya. Pero teka, paano naman ang usaping ethical and moral.

Naniniwala ako sa sinasabi ni Prosecutor Gen. Richard Fadullon. May tamang proseso at requirement bago italaga bilang isang ‘state witness’. Sinseridad, kredibilidad at integridad ng testigo ang ilan sa mga ito.

Hindi pa tapos magpaliwanag ng proseso ng Department of Justice hinggil sa Witness Protection Program si Prosec. Gen. Fadullon, binabara, ginawa na namang debate at argumentasyon ni Sen. Marcoleta sa senado.

Simple lang naman, kung talagang seryoso ang mag-asawang Discaya na makipagtulungan — magsisi, magpakumbaba sila at boluntaryo nilang isoli ang mga nakulimbat nila.

Bilang mga ‘the most guilty’, dapat pangunahan na nila ang pag-amin at pangungumpisal. ‘Wag na silang humanap pa ng padrino sa senado, sa kongreso o kung saan-saan pa.

Bakit itong si Ex-DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na maitutiring na ‘the least guilty’ — nagkusa na, nakonsensya na. Nagbigay na ng kanyang public apology, nagsisisi na, nagkusang loob na ring ibalik ang mga perang nakurakot.

Pero hindi ibig sabihin ay pabor ako kay Usec. Bernardo. Bilang Pilipino na taxpayer, galit din ako diyan dahil kasapakat siya sa pagnanakaw sa taumbayan.

Ang sinasabi ko lang,  ‘yung kaniyang pagboboluntaryo, ‘yung kaniyang pagsisisi, ‘yung kaniyang pakikipagtulungan ang dapat tularan ng mag-asawang ‘to.  Hindi puro pag-iinarte ang pinapakita niyo, Discayas.

Kung gusto mag-state witness, sumunod dapat sa proseso at tuntunin ng Department of Justice (DOJ), bawal ang demanding.

Kayo mag-asawang Discayas, may konsensya pa ba kayo? O kinakalyo na talaga ‘yang pagmumukha niyo sa kapal?

Remorse! Take the initiative!