(Ilabas niyo Tapang niyo!)
KASALUKUYANG nagkakagulo ang mga lider at mamamayan ng iba’t-ibang bansa. Ang mga tao, nagpuprotesta, hindi na sumasang-ayon sa pamamalakad ng mga nakaupong politiko.
Siyempre, hindi magpapahuli ang ating mahal na bansa — ang Pilipinas.
Mainit kamakailan, ang pagbitaw ni Sen. Panfilo Lacson bilang Senate Blue Ribbon Committee Chairman (BRC). Nakakapanghinayang at nakakadismaya.
Marami ang sasang-ayon o kokontra sa akin dito. Sa isang buwan niya sa BRC, nakita ng publiko ang galing niya sa pag-iimbestiga sa corruption ng maanomalyang flood control projects.
Napilitan siyang bitawan ang pwesto dahil sa diskurso ng kaniyang mga kasamahan sa Senado. Dismayado at natatagalan daw sa paraan ng pagi-imbestiga ni Sen. Lacson.
Kung sa akin lang, pabor ako sa pamumuno ni Lacson.
Nang bitiwan ni Sen. Lacson ang BRC, hindi naman magkamayaw ang ibang senador sa pagtuturuan kung sino ang papalit bilang bagong chairman ng komite.
May mga binanggit na pangalan si Senate President Tito Sotto na posibleng pumalit. Subalit lahat — umayaw at nagtanggihan na para bang ayaw saluhin ang malaking responsibilidad na naiwan.
Eh teka muna, napakarami niyo diyan sa senado, bente-kwatro kayo diyan. Bakit parang wala kayong mga tapang at kakayanang akuin ang obligasyon? Bakit parang natatakot kayo sa responsibilidad na dapat ginagawa naman ng mga beteranong Senador?
Kaya naman, si Sen. ‘Tol Erwin Tulfo, bilang Vice-Chairman, dahil walang may gusto, wala na rin siyang ‘choice’ kundi saluhin ang responsibilidad. Siya ngayon ang alay.
Hindi sa hindi ako naniniwala sa kakayanan ng kapatid ko — pero mas karapat-dapat na maging BRC Chairman ay isang beterano na sa trabaho. Kung minsan nga pinagtatawanan niyo na sa mga simpleng pagkakamali, tapos itong mabigat na obligasyon, siya pa ang alay niyo?
Umayos kayo diyan sa senado, dito niyo ipakita mga tapang niyo. Tutal andami niyong yakyak, ayaw niyo kay Sen. Lacson, eh di kayo na!
Tanggapin niyo na o mag-volunteer na kayo, ‘wag na kayo magturo ng iba — baka manuno kayo!